Essay Tungkol Sa Pagbabago Ng Panahon

Ilog ng Morong noong Bagyong Ondoy

Bangka sa gitna ng kalsada

Isang taon na ang lumipas simula nang pinakawalan ni Ondoy ang malakas na ulan at malaking baha sa Metro Manila, Rizal, Laguna, Bulacan at ibang mga lalawigan.

Maraming buhay, bahay, hanapbuhay ang sinira ni Ondoy.  Umabot sa 464 ang namatay, mahigit 45,000 ang mga pamilyang lumikas sa kanilang mga tahanan at pumapalo sa P 10.95 B ang kabuaang halaga ng rehabilitasyon at recovery. Hanggang ngayon, damang-dama pa rin ng maraming biktima ang trauma ng sakuna at patuloy silang nababagabag tuwing bubuhos ang malakas na ulan.

Dito sa bayan ng Morong, Rizal, 5 ang namatay at mahigit 300 pamilyang evacuees ang iniwan ng bagyo. Hindi pa kasama rito ang nasirang mga bahay at mga pinsala sa kabuhayan at mga sakahan.

Sa gitna ng iba’t ibang seremonya para gunitain ang ating mga karanasan noong Set. 26, 2009, marapat lamang na bigyang diin natin ang mahahalagang aral na itinuro sa atin ni Ondoy. Sa ganitong paraan, maari nating iwasto ang mga pagkakamali; maari nating simulang patatagin ang ating bayan sa panahon ng pagbabago ng klima o “climate change”.

1. Nawa’y lamunin ng baha ang sino mang di naniniwala sa  pagbabago ng klima.

Sa loob ng anim na oras noong umaga ng Set. 26, tuloy-tuloy na ibinuhos ni Ondoy ang 341 hanggang 454 mm tubig-ulan sa Metro Manila at Rizal – higit na mas mataas ito sa monthly average rainfall para sa buwan ng Setyembre at tubig-ulang dala ni Hurricane Katrina sa Amerika. Nagbigay na ng babala ang mga eksperto mula sa UN Intergovernmental Panel on Climate Change bago pa man dumalaw sa atin si Ondoy: “tropical cyclones would become more intense, have stronger peak wind speeds and heavier precipitation as a consequence of climate change”. Sinyales na ang mga naunang bagyong Reming, Milenyo at Frank. Ngunit naging kampante pa rin ang pamahalaan at mga pamayanan; kaya nagmistula tayong mga basang sisiw ng dumating si Ondoy!

Naririto na at hindi na natin maiiwasan pa ang pagbabago ng klima at mga delubyong likha nito. Ang magagawa lang natin ay paghandaan ang mga panibagong Ondoy at mga disaster, habang isinusulong ang panawagang bawasan, kundi man tuluyang pigilan, lalu na ng mga mauunlad na bansa, ang pagbubuga ng carbon dioxide at ibang greenhouse gasses sa himpapawid –  ang puno’t dulo ng pag-init ng mundo o global warming.

Kung ayaw mong maniwala sa babalang ito, walang sisihan kapag ikaw na mismo ang inanod ng susunod na baha!

2. Igalang at pangalagaan natin ang Sierra Madre – kanlungan ng ating buhay at tagapagtangol natin sa malalakas na bagyo.

Kinalimutan na natin ang aral ng mga katutubo’t ekolohiya. Wika ng isang katutubong alamat, ipinagtataggol ni Sierra Madre ang kanyang mga anak, sina Tagalog, Kapampangan, Iloko at Dumagat, sa bigwas at ulan ni Bugsong Hangin. Ayon naman mismo sa mga ekolohista’t siyentipiko, sinisipsip ng isang kagubatang malusog at mayabong ang 90% ng tubig-ulang bumubuhos dito, habang ang 10% naman ng tubig-ulan ay dumadaloy sa mga sapa’t ilog patungo sa lawa’t karagatan.

Ngunit halos makalbo na ang original forest cover ng Marikina at Tanay Watershed na matatagpuan sa Southern Sierra Madre Corridor. Kaya kabaligtaran ang nangyari nang dumalaw sa atin si Ondoy. Sa halip na maipon sa mga watershed ang bulto ng tubig-ulang dala ni Ondoy, tinatayang 90% nito ang rumagasa sa mga ilog sa Marikina, Antipolo, Tanay, Morong at ibang bayan. Sa kwenta ng isang eksperto, ang bahang dumaloy sa Marikina River ay katumbas ng halos anim na taong suplay ng inuming tubig para sa lahat ng residente ng Metro Manila o ng tubig na bubulwak mula sa La Mesa Dam kapag ito’y nawasak.

Huwag na tayong magtaka kung patuloy na magiging isang malaking batyang puno ng tubig-baha ang Metro Manila, mga bahagi ng Rizal at Laguna habang patuloy na sinasalaula ang Sierra Madre ng walang habas na pagtroroso, pagmimina’t pagtatayo ng mga mansion, mga subdibisyon at mga dumpsite sa mga bundok nito; habang nilalamon ng ating mga gusali’t mga kabahayan ang mga pampang ng mga estero’t ilog; habang bumababaw ang Lawa ng Laguna gawa ng pagtatapon ng basura at pagbuhos ng silt o banlik bunga ng deforestation.

Simple ang tagubilin ng isang kasabihan: “Tayo’y mga anak ni Inang Kalikasan; kung ano ang ginawa natin sa ating Ina ay ginagawa rin natin sa ating sarili”. Kung mas maraming punong nakatayo sa kabundukan, mas ligtas tayo sa malalakas na bagyo.

Sa gayon, wasto lang na tayo’y makiisa sa panawagan ng Save the Sierra Madre Network na ideklara ng pamahalaang Aquino ang Setyembre 26 bilang “Save Sierra Madre Day” Araw ng Pagtatanggol ng Sierra Madre upang laging ipaalala sa lahat ang ating pananagutan kay Inang Kalikasan.

3. Panawagan sa Pamahalaan: Good Disaster Management is Good Governance! 

Hindi lang Ondoy ang naganap na disaster noong Set. 26, 2009.  Mas matinding disaster ang kawalaaan ng kahandaan at kapalpakan ng dating pamahalaang Arroyo sa pagresponde sa bagyo’t baha.

Sa halip na magpundar ng mga Doppler radar upang matukoy ang tamang direksyon ng paparating na bagyo, mas inuna nitong ginastusan ang fertilizer scam, maluhong foreign trips at iba pang transaksyong batbat ng anomaliya. Bagama’t may pondo naman para bumili ng mas maraming rescue equipment bago pa nangyari ang sakuna, 13 rubber boat lang ang maaring gamitin ng NDCC para mailigtas ang libu-libong biktima sa kasagsagan ng baha. Pilay ang komunikasyon at koordinasyon. Tila sa isang iglap, gumuho ang buong makinarya ng gubyerno sa disaster response, lalu na sa mga unang oras ng sakuna. Saksi ang lahat sa pag-aagawan ng mga biktima sa kakarampot na relief goods, mga pamilyang natutulog sa maruruming evacuation center at mga gilid ng kalsada.

Mabuti na lang at nangibabaw ang damayan at bayanihan sa hanay ng mamamayan. Kahit paano’y naibsan ang paghihirap ng mga biktima dahil sa tulong mula sa mga simbahan, mga NGO, mass media, mga korporasyon at mga karaniwang Pilipino.

Ngayon, bago na ang namumuno sa pamahalaan at mayroon ng bagong Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 (RA 10121) na magsisilbing kasangkapan ng gubyerno sa pagpapatupad ng mga programang disaster risk reduction (DRR) mula sa kaliit-liitang barangay hanggang sa antas nasyunal.

Mataba na ba talaga ang lupa para sa pagsusulong ng DRR sa panahon ni P-Noy kahit na kinakapos sa pondo ang gubyerno?

Kailan lang, sa tulong ng RESILIENCE, isang consortium ng mga NGO, pinangunahan ng Siyudad ng Marikina sa ilalim ni Mayor Del de Guzman ang pagtatayo ng Alliance of Six LGUs (Marikina, Pasig, Antipolo, Cainta, San Mateo at Rodriguez) upang itaguyod ang “sustainable use and development of the Marikina Watershed” bilang tugon sa paghahanda sa mga kalamidad. Gumagamit na ng mga CCTV camera ang Marikina upang bantayan ang lebel ng Marikina River tuwing umuulan. (Sabi ng isang bubwit, pinatigil diumano ng MMDA  sa panahon ni Bayani Fernando ang flood forecasting and early warning system project sa mga ilog ng Marikina at Pasig. Ito raw ang isa sa mga dahilan kung kaya biglang nabulaga di lamang ang Marikina kundi buong Metro Manila nang lumaki na ang baha.)

Naging abala naman ang munisipyo ng Tanay at Angono sa paglilipat sa mga bagong relocation site sa mga informal settler  na nanirahan sa mga high-risk area. Sa inisyatiba ng OXFAM katuwang ang ilang LGU at NGO (kasama ang Morong Volunteers), isinagawa ang participatory capacity and vulnerability assessment (PCVA) sa iba’t ibang bayan ng Eastern Rizal at pagsasanay sa mga kinatawan ng mga barangay sa Tanay sa larangan ng emergency response at DRR.

Sa bayan ng Morong, naglulunsad ang Morong Volunteers ng mga pagsasanay sa community-based disaster management at emergency response para sa iba’t ibang samahan. Naging aktibo rin ang  Social Services and Human Development Ministry ng Parokya ng San Geronimo; nabigyan nito ng sapat na oryentasyon sa DRR ang  80 kasapi ng mga BEC. Nagsagawa rin ng lobbying ang Morong Volunteers, OXFAM at kinatawan ng OCD Region IV-A sa Sangguniang Bayan para simulan na ang mainstreaming ng PDRRM Act sa Munisipyo ng Morong noong unang linggo ng Setyembre. Bunga nito, itinayo ng Sangguniang Bayan ang bagong komite sa DRR para magbalangkas ng mga ordinansya’t mga patakaran tungkol dito.

Marami pang kuwento tungkol sa mga inisyatibang DRR sa mga bayan at mga siyudad na dating sinalanta ni Ondoy.

Gayunman, kailangan lubusang itutok ng gubyerno ang trabaho sa pagpapalakas ng kapasidad ng mga ahensyang nasyunal, mga LGU at mga barangay sa vulnerabilities at capacities assessment, hazards mapping, contingency planning, early warning systems, evacuation plans, pagtatayo ng mga permanent disaster risk management organizations, pagsasanay at pagbubuo ng mga community-based rescue teams at iba pang mga sangkap ng isang matinong programang DRR.

Walang karapatang mamuno ang mga pulitikong nangangatwirang “wala namang pera sa DRR, bakit ko uunahin yan?” Wika nga ng sticker ng OXFAM: Good disaster management is good governance!

4. Palakasin ang Damayan at Bayanihan sa Pamayanan

Napakahalagang usapin ang pagtugon sa disaster upang ito’y ipagkatiwala’t iiwan natin sa kamay ng pamahalaan. Kailangang makilahok tayo – mga karaniwang tao at mga komunidad – sa DRR.

Tayo, lalu na ang ating kababayang mahihirap, ay mga frontliner o unang tinatamaan ng mga panganib sa panahon ng sakuna. Tayo rin ang makikinabang kung isasabuhay natin ang DRR sa ating mga tahanan, mga paaralan, mga pagawaan, mga simbahan, mga upisina’t mga pamayanan. Mula sa pagiging mga biktima, sikapin nating maging mga tagapagligtas ng ating sarili at kapwa.

Mayaman ang ating karanasan sa damayan at bayanihan. Ipinakita natin ito sa samut-saring kuwento ng kabayanihan ng karaniwang tao para sagipin ang kanilang kapwa sa baha at sa kusang-loob na pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng bagyo. Salat man tayo sa mga rekurso, magagawa nating pangalagaan ang kalikasan at tiyaking laging handa’t ligtas ang ating bayan sa mga panibagong panganib at sakuna sa pamamagitan ng damayan at bayanihan.

Ito ang mga aral na itinuro sa atin ni Ondoy. Natutunan na ba natin ang mga aral na ito? Handa na ba tayo sa panibagong Ondoy?

***

Isinulat ni Uro Tahup

Executive Secreatary  at CBDRM Team Head, 

Morong Volunteers

Programs and Advocacies Head,

YesPinoy Foundation

Ano ang CLIMATE CHANGE?

Ang climate change ay ang pagbabago ng klima o panahon dahil sa pagtaas ng mg greenhouse gases na nagpapainit sa mundo.  Nagdudulot ito ng mga sakuna kagaya ng heatwave, baha at tagtuyot na maaaring magdulot ng pagkakasakit o pagkamatay.  Kapag tumaas ang temperatura ng mundo, dadami ang mga sakit kagaya ng dengue, diarrhea, malnutrisyon at iba pa.

Sanhi ng CLIMATE CHANGE

Ayon sa pag-aaral, ang dalawang sanhi ng climate change ay ang:

1.  Natural na pagbabago ng klima ng buong mundo nitong mga nagdaang matagal na panahon.  Ito ay sama-samang epekto ng enerhiya mula sa araw, sa pag-ikot ng mundo, at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa na nagpapataas ng temperatura o init sa hangin na bumabalot sa mundo.

2. Mga gawain ng tao na nagbubunga ng pagdami o pagtaas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases )GHGs).  ANg GHGs ang nagkukulong ng init sa mundo.  Ang pagbuga ng carbon dioxide ng mga sasakyang gumagamit ng gasolina, ang pagputol ng mga puno na siya sanang mag-aalis ng carbon dioxide sa hangin, at pagkabulok ng mga bagay na organic na nagbubunga ng methane (isa pang uri ng GHGs) ay ilan sa mga dahilan ng climate change.

Epektong Pangkalusugan ng CLIMATE CHANGE

Mga epekto sa tao ng matinding init, tagtuyot at bagyo.

  • Pagtaas ng bilang ng kaso ng mga sakit na:
    - Dala ng tubig o pagkain tulad ng choler at iba pang sakit na may pagtatae.
    - Dala ng insekto tulad ng lamok )malaria at dengue) at ng daga (Leptospirosis).
    Dulot ng polusyon (allergy)
  • Malnutrisyon at epektong panglipunan dulot ng pagkasira ng mga komunidad at pangkabuhayan nito.

One thought on “Essay Tungkol Sa Pagbabago Ng Panahon

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *